Ang same sex marriage at SOGIE Bill ay ilan lamang sa mga batas na suntok sa buwan kung tanawin. Sa matagal na panahon na pakikibaka ng mga nasa tinatawag na “third- sex” laban sa pantay na pagtingin sa kasarian ay hindi na kataka- taka na kung hindi makadadaan sa hiring, ay awtomatikong ibabasura na agad ang pabukalang batas. Hindi nakabibiglang malamanan na karamihan sa kabataan ay mayroong mababang pagtingin at galit sa nasabing kasarian. Kamakailan lamang ay pinatay sa pamamaril ang isang transgender na si Neulisa Luciano Ruiz o mas kilala sa tawag na “Alexa”, isang Puerto Rican matapos umihi sa pambabaeng palikuran sa McDonald’s. Ayon sa report ng mga pulis ay apat na teenager ang itinuturo ng imbestigasyon. Ang kwento ni Alexa ay isa lamang na halimbawa sa talamak na pagkitil sa mga miyembro ng LGBT. Sinong hindi makalilimot sa Jennifer Laude murder case noong 2014 kung saan suspek ang isang Amerikanong marino? Malalamang naibaba sa homicide ang kaso dahil sa bias na pag panig ng nasa posisyon sa binatang amerikanong pumatay.
Ang Pilipinas ang pinaka malaking bansa sa Asya na binubuhay ang paniniwalang Kristiyanismo. Hindi na rin bago sa atin ang katagang “kasalanan ang pagiging bakla at tomboy”. Nakatatawang sabihin na kung sino pa ang mga taong mapamuna sa kabaklaan ay sila pang nabubuhay sa tawag ng laman. Utos din sa bibliya na masama ang pagpatay ngunit bakit tila tanggap ng publiko kapag isang bakla ang papatayin? Sa kaso noon ni Jennifer ay may ilan pa ang pumuri sa ginawa ng amerikano. Sa ganito mga gawa, ang salita ng Diyos na ginagamit bilang basehan sa paniniwala ay angkop pa rin ba sa gamit?
Ang mabuhay bilang iba sa nakagawian ay hindi dapat tignan na kasalanan. Ang konteksto ng relihiyon ay hindi tamang gamiting sandata para yurakan ang pagkatao ng isang indibidwal. Ang mga miyembro ng LGBT ay nararapatan na tignan bilang isang taong gawa ng Diyos, hindi bilang kaaway.
Dagdag pa, malaki ang ginagampanan ng nasa third sex sa tagumpay ng ating lipunan. Marami silang naiaambag sa iba’t-ibang larangan at industrriya. Sinong hindi nakakikilala kay John Sweet Lapus, Vice Ganda at Roderick Paulate? Ang mga komedyanteng hatid ang saya sa masalimuot na mundo? Sa larangan ng fashion designing ay patok sina Rajo Laurel at Renee Salud na naghahatid sa atin ng magaganda at pang malakasang gowns? Sa Politika ay pinasok na rin ni Geraldine Roman, isang transwoman na adbokasya ang pagsulong sa karapatan ng mga miyembro ng LGBT.
Kahit sa ating komunidad ay malakas ang presensya ng sangkabaklaan, sa oras ng biglaang okasyon ay handang sumaklolo ang make- up artist nating kapwa. Sa tuwing sahod ni mister ay sa rebond na alok ng kabaklaan ang agaran nating pinupuntahan.
Ngunit ang mabigat na kapit mula sa matatandang paniniwala na ipinapasa sa kasalukuyang kabataan ay nagdudulot ng komosyon sa komunidad. Malaki ang ginagampanan ng pamilya sa pagyakap ng kasarian. Nakalulungkot isipin na kalimitan pa sa mga nagpapalaganap ng galit sa kapwa ay ang mga matatanda dulot ng kanilang bulag na paniniwala. Patuloy silang nilalamon ng mentalidad na lumalason sa kanila. Kung kasalanan sa Diyos ang maging bakla ay hindi ba kasalanan din ang panghuhusga, pangmamaliit, kondena, panglalait, paglagay ng galit at maging ang pagpatay at karahasan sa kapwa. Hindi kailanman nagiging tama sa likas batas moral ng lipunan ang pagpapalaganap ng kamuhian sa mga taong hindi katulad ng ating paniniwala.
Isa pang sakit sa lipunan ang presensya ng mga bulok na pulitiko na bukod sa pangungurakot at panlalamang sa kapwa ay nagpapakalat din ng maling impormasyon upang lalong kamuhian ng mga tao ang mga miyembro ng LGBT.
Ang matinding galit at panghuhusga sa mga miyembro ng LGBT ay hindi takot kundi isang ignorasya! Ignorasya na huwag tignan ang isang tomboy bilang indibidwal. Ignorasya na isara ang isipan sa pagpapabago at pag- unlad ng kasarian. At higit sa lahat, ignorasya sa pagtanggi sa pag- ibig at pagkakapantay- pantay.
Nakakaumay na makita ang mga bakla na ipaglaban ang kanilang karapatan ngunit mas nakakaumay na makita ang mga taong pati pagkakapantay- pantay ay handang itanggi para lamang sa bulag na paniniwala at sariling interes. Hindi maghahanap ng pagkakapantay- pantay ang mga tao kung sa simula pa lamang ay naibigay na ito.
Ang pagkakaiba- iba ay hindi kasalanan. Ang kasalanan ay ang ignorasyang hatid ng homophobia. Respeto, bukas na isip, at pagyakap sa pagbabago ay ang natatanging gamot laban sa sakit na ignorasya!
Comments
Post a Comment