Skip to main content

POLISIYANG MAKILING: KULAY AT ISTILO NG BUHOK, WALANG KINALAMAN SA PAG-AARAL





    Noon pa man ay nakatala na sa regulasyon ng paaralan ang pagbabawal sa kulay ng buhok bukod sa itim. Kasama pa nito ang eksaktong sukat ng buhok na dapat taglayin ng mga kalalakihan na kung aabot sa kilay at magkakaroon ng pansining patilya ay sapilitang puputulin ng paaralan.  Ang mga panukalang katulad nito ay ang mga nakamulatang batas pampaaralan na pinilit nalang nating lunukin kaysa hamunin kung may saysay nga ba talaga ito sa mga mag- aaral. Sa kasalukuyang panahon, ilang milenyo na ang nagdaan ay tila walang saysay na ang ganitong batas at mga kauri nito. 

          Kailanman, hindi naging kabawasan sa talino at sipag ng mag- aaral kung anong klase at kulay ng buhok mayroon siya. Walang pinagkaiba ang kakayahang kayang taglayin ng isang kalbong mag-aaral sa kapwa mag-aaral na may mahabang “bangs”. Kung sisiyasating mabuti ay may positibong epekto pa nga sa mga mag-aaral kung pipiliin nila ang gusto nilang ayos sa sarili. Ang sariling pananaw sa kung paano nila ipinakikilala ang kanilang sarili ay isang indikasyon ng mataas na pagtingin sa kalayaan at nagdudulot ng paglakas ng loob upang tuklasin ang kanilang misyon sa buhay. 

      Sa kasalukuyang panahon kung saan sandata ng bawat kabataan ang indibidwalismo ay hindi na papatok ang matandang polisya na katulad nito. Sinasabing ang tamang sukat at kulay ng buhok na dapat taglayin ng isang mag-aaral ay nagsusulong nang pagiging disente at angkop ng mag- aaral. Ika pa nga ng isang opisyales, “Nasa paaralan ka kaya dapat pag-aaral ang iniisip mo, hindi ang pag porma”. Pag porma bang maituturing ang self-expression na ipinakikita ng mga mag-aaral? Mukha yatang kailangan repasuhin ang ganitong mga uri ng opisyales. 

Hindi idinidikta ng kulay at istilo ng buhok ng mag-aaral ang kanilang moralidad at hindi rin katanggap- tanggap na sabihing disente ang isang tao dahil lamang “maayos” ang kaniyang panlabas na anyo. Ang depenisyon ng disente ay hindi obhektibo kundi subhektibo, iba iba ang depenisyon ng tao sa salitang disente kung kaya hindi dapat gamiting basehan ang buhok para masabing disente ang isang indibidwal. Dagdag pa, mas maganda pa ngang sabihin na ang tunay na disente ay ang pagkakaroon ng bukas na isip sa pagkakaiba- iba ng bawat indibidwal.   Hindi ito nakabatay sa labas na kaanyuan sa halip ay kung paano mo i-respeto at tanggapin ang iyong kapwa kahit magkaiba man kayo ng persepsyon sa kagandahan. 

Karamihan sa mga paaralan na buhay ang makiling na polisiya na ito ay ang mga nakabilang sa Catholic at Christian Schools. Gayunpaman, wala namang utos si Kristo ukol sa immoral ang isang tao kapag may ibang kulay at kung mahaba ang kanyang buhok. “Kahit nga si Kristo, long hair” ayon sa isang kabataan. Patunay na ipinapahayag lamang nito na walang kaugnayan ang buhok sa moralidad at kahalagahan ng isang tao. 

Sa kabilang banda, ang mag- aaral ay nasa paaralan kung kaya’t nararapat lamang na sumunod sila sa polisiya. Maaari naman silang lumipat ng paaralan na pinapayagan ang kulay at estilo ng buhok kaya kung ayaw nilang sumunod ay mas mabuting piliin nilang mabuti ang kanilang paaralan. 

Ngunit ganoon na lamang ba iyon? Kapag ayaw ay dapat umalis? Ang batas na nagbabawal sa istilo at kulay ng buhok ay isang batas na nakabatay lamang sa isang panig. Hindi magandang lakaran ang ganitong uri ng batas dahil pinipigilan nito ang karapatan ng mga mag-aaral na matamo ang mataas na antas ng pag-iisip. Kung patuloy na susunod ay tila ginagawang tuta tayo ng mga batas na wala namang kahalagahan. 

Karapatan ng mga mag-aaral na ipaglaban ang sa tingin nila ay mas makabubuti sa kanila. Kung sa simpleng hindi pagpansin sa walang kabuluhang batas na ito sa eskuwelahan ay anong klase mag-aaral ang binubuo natin para sa hinaharap? Kung sa simpleng isyung ito ay hindi na sila titindig para sa kanilang sarili at karapatan ay paano pa nila titindiganan ang mas malawak na isyu sa bansa? 

Sa madaling salita, walang epekto sa performance ng mag-aaral ang kaniyang panlabas na kaayuan. Dapat na buwagin ang makiling na batas na katulad nito mayroong makiling na perspektibo sa kung sino ang disente at kung sino ang hindi. Nakakatawang isipin na sa mga paaralang may ugnayan sa Diyos pa man din nakikita ang pagiging “judgmental” na dapat sana ay kanilang iniiwasan. 


Comments

Popular posts from this blog

DI KA PASISIIL: NINGAS NA HATID NG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA SA SILAKBO NG KAMALAYAN UKOL SA KULTURA, KASAYSAYAN, AT WIKA SA NAGBABAGONG PANAHON

  Sa pagtapak ng sangkatauhan sa panibagong milenyo ay naging matulin at marahas ang pag-ugong ng pagbabago. Ang mga uhaw na pagnanasa sa isang maunlad na hinaharap ang nagbigay ng daan upang matamo natin ang lagay ng ating pamumuhay sa kasalukuyan. Mula sa liham de papel hatid ng koryo na inaabot ng buwan ang pagdating, patungo sa segundong palitan ng mensahe hatid ng sensyas pang himpapawid. Refrigirator, Television, Aircondition, rice cooker, at mga katulad nito ay ilan lamang sa mga makabagong kagamitan na nagbibigay nang madali at komportableng pananahan sa araw-araw. Tunay nga na malayo na ang narating ng teknolohiya mula sa noo’y maliit at imposibleng ideya patungo sa aktwal na sibilisadong tunguhin.  Kung masisilayan nga lamang ng ating mga bayani ang kasalukuyan ay paniguradong malaki ang panghihinayang na kanilang madarama. Kung noon pa lamang kasi ay naimbento na ang makabagong teknolohiya ay naging madali sana kay Gat. Andres Bonifacio na pag-isahin ang kalat-kal...

AYOKO SA PULA PERO GUSTO KITA

  Pula; dugo, apoy, galit Kulay na tumitindig sa krimen at pait Sa isang saksak sa leeg ni Adan, Natapos ang paghihirap ng kawan Nakita ko ang dahan-dahang pagbaon ng kutsilyo sa pulso, Ragasa ang bulwak nang buo at malansang samyo Nalagot ang tali sa paghinga Naputol na ang pag-asa Gusto kong pumikit dahil Ayoko sa dugo. Mainit, ako ay napaso Sa mundo na napaliligiran ng pula Dagat- dagatang apoy, asupreng kalangitan Nakapapaso ang bumabagsak na kumukulong ulan Masakit at mahapdi Nanunuot ang paso sa dibdib Lumalatay ang pait Unti-unting tinutupok ang paningin Nasunog na ang aking lihim, Di manlang naparinig Kailan ba ako makararamdam ng ginhawa? Kahit lamig nawa, dahil Ayoko sa apoy. Yugtong di pabor sa aking panig, Alitan, kaguluhan- Taliwas at humahadlang sa kapayapaan Ramdam ko ang ningas sa aking loob Paninibugho, lalong lumalago Unti-unting umaangat ang dama Hanggang sa di ko na makita ang ligaya Sinusubukan kong pigilan Ang pwersang nag aalis sa aking kamalayan Inuubos ang ...