DI KA PASISIIL: NINGAS NA HATID NG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA SA SILAKBO NG KAMALAYAN UKOL SA KULTURA, KASAYSAYAN, AT WIKA SA NAGBABAGONG PANAHON
Sa pagtapak ng sangkatauhan sa panibagong milenyo ay naging matulin at marahas ang pag-ugong ng pagbabago. Ang mga uhaw na pagnanasa sa isang maunlad na hinaharap ang nagbigay ng daan upang matamo natin ang lagay ng ating pamumuhay sa kasalukuyan. Mula sa liham de papel hatid ng koryo na inaabot ng buwan ang pagdating, patungo sa segundong palitan ng mensahe hatid ng sensyas pang himpapawid. Refrigirator, Television, Aircondition, rice cooker, at mga katulad nito ay ilan lamang sa mga makabagong kagamitan na nagbibigay nang madali at komportableng pananahan sa araw-araw. Tunay nga na malayo na ang narating ng teknolohiya mula sa noo’y maliit at imposibleng ideya patungo sa aktwal na sibilisadong tunguhin.
Kung masisilayan nga lamang ng ating mga bayani ang kasalukuyan ay paniguradong malaki ang panghihinayang na kanilang madarama. Kung noon pa lamang kasi ay naimbento na ang makabagong teknolohiya ay naging madali sana kay Gat. Andres Bonifacio na pag-isahin ang kalat-kalat na katipunero sa bansa. Malamang ay napagtagumpayan pa nila ang unang dakilang rebolusyon laban sa mapang-aping espanyol. Ipagpalagay na ang “social media” ay umiiral na sa panahon ni Dr. Jose Rizal, hindi lamang siguro sa pahayagan katulad ng La Solaridad nailathala ang mga mapagpakilos na artikulo kundi maging sa plataporma ng facebook at twitter na abot- kamay ng karamihan.
Gayunpaman, sa maningning na tikas ng makabagong teknolohiya ay nakakabit ang kontrobersya na nagbibigay daan ito upang makalimutan ng makabagong henerasyon ang pagkakakilanlan at kasarinlan na ipinaglaban ng ating mga bayani hanggang sa kanilang kamatayan. Sa mabilis na pagbabago ng panahon at pag-usbong ng teknolohiya, paano nakasusunod sa sirkulasyon ang kinagisnan nating WIKA na siyang naging apoy sa paghubong ng ating KULTURA, at ang kulturang gumuguhit sa ating KASAYSAYAN? Tunay nga ba na unti-unting pinapatay ng makabagong teknolohiya ang kamalayan ng mga kabataan sa mayabong na kasaysayan na pamana ng nagdaan? O ang teknolohiya ang nagiging gatong sa mas malawak na pagtanggap at pagkilala sa ating makalumang pinagmulan.
Malaki ang ginagampanan ng makabagong teknolohiya sa pagtataguyod ng ating pagkakakilanlan. Dahil sa malawak na plataporma na kayang ibigay ng teknolohiya ay mas madaling nakaaabot sa masa ang kaalaman at impormasyon ukol sa ating kultura. Sa katunayan, gamit ang tinatawag na “vlog” o video-blogging- isang makabagong platapormang na patok ngayon sa mga kabataan na maaaring mapanood sa Youtube, ay mas naipakikilala natin sa ibang lahi ang ating yaman. Kabi-kabilang mga video-blogging ang nakapaskil dito katulad ng mga magagandang tanawin sa Pilpinas na maaring puntahan ng mga turista gaya ng Boracay, Cebu, at Palawan. Maging ang mga kaugalian na dapat taglayin ng isang dayuhan kung mamamalagi sa Pilipinas katulad ng pagmamano, pagsasabi ng “po” at “opo”, at maging ang makalumang tuntunin na mula makalumang paniniwala. Hindi rin mawawala ang tutoryal sa pagluluto ng mga masasarap na pagkaing Pilipino na nagmula pa sa ating mga ninuno.
Sa gitna ng pandemya na ating nararanasan sa kasalukuyan, ang mga Youtube channel katulad ng Village People Philippines, The Philippine Experience, at NCCA (National Commission for Culture and the Arts) Philippines ang naghahatid ng impormasyon upang mas lalong maipakilala ang kultura sa mga kabataan. Maging sa hanay ng kaguruan ay ginagamit din ang Youtube upang maipabatid sa mga mag-aaral ang leksyon ukol sa kultura ng Pilipinas upang makasabay sa tinatawag na new normal katulad ng online classes.
Sa aminin man natin o hindi, unti-unting nawawalan ng kasiglahan ang makabagong henerasyon sa pagbabasa sa ating mga silid- aklatan na nagiging sanhi di umano upang makalimutan ang mayabong na kasaysayan na mababasa lamang sa makakapal na aklat. Ngunit, sa tulong ng makabagong teknolohiya ay nagpapatuloy pa rin ang ningas ng kasaysayan na ating pinagmulan. Nariyan ang presensya ng midya sa larangan ng pelikula kung saan mas madaling nauunawaan ng mga kabataan ang kasaysayan dahil nakikita at naririnig mismo nila ang mga tagpo sa bawat pahina na mababasa sa aklat. Sa loob lamang ng isa o dalawang oras ay mauunawaan na agad ng manonood ang halos isang buwanang basahan ng libro ukol sa isang partikular na tagpo sa kasaysayan. Halimbawa nito ay ang mga pelikulang Heneral Luna, Goyo: Ang Batang Heneral, El Presidente, Bonifacio: Ang Unang Pangulo, Quezon’s Game, at Hele sa Hiwagang Hapis na umani ng gantimpala at papuri hindi lamang sa lokal na manonood kundi maging sa internasyonal na patimpalak.
Gayundin, laganap ngayon ang makabagong paraan ng pagbabasa sa anyo ng PDF o Portable Document Format na mas madali at komportable para sa mga mambabasa. Taliwas sa nakasanayang aklat, maaari nating mabasa ang kasaysayan sa pamamagitan lamang ng pagtipa sa ating mga cellphone. Komportable din ito sa paraang hindi na kailangang bitbitin sa araw-araw ang mabibigat at makakapal na aklat dahil nakasilid lamang sa maliit nating telepono ang halos isanlibong pahina ng babasahin.
Sa tulong din ng makabagong teknolohiya ay patuloy ang pag-unlad ng ating wika. Mga salitang muling nabubuhay, naibaba ang porma, naibaba ang kahulugan, at mga bagong umuusbong, na ating niyayakap sa pang araw-araw na diskurso. Katulad na lamang ng mga salitang “boom panes”, “sana all”, “tokhang” atbp ang nagpapatunay na patuloy ang pagyabong ng ating sariling wika. Hindi dapat tignan na kapinsalaan ang mga bagong salitang umuusbong dahil hindi makapananatili ang wika kapag hindi dumaraan sa pagbabago at pag-unlad.
Sa paggamit ng social media sites ay hindi naiiwasan ang palitan ng mga salita galing sa iba’t-ibang panig ng daigdaig. Nagbubunsod ito upang maipakilala at mapaunlad ang Wikang Filipino dahil mas marami ang gumagamit at maaaring matuto ng mga salita. Sa kung papaanong napag-aaralan ang iba’t- ibang wika sa daigdig, marami rin sa mga dayuhan ang napaiibig ng ating wika. Sa katunayan, isang paraan ay ang tinatawag na OPM o Original Pilipino Music na naglalayong ipakilala ang wika at kultura sa pamamagitan ng musika. Ang mga musikang nagtatanyag ng ating pagkakakilanlan at pinagmulaan. Sa dumaragdag na plataporma para sa musika, patuloy din ang pagsulpot ng mga banda at mang-aawit na wikang Filpino lamang ang midyum sa pag-awit. Nariyan ang mga awitin ng bandang Munimuni katulad ng “Marilag”, “Sa’yo”, “Bawat Piyesa” na kapag pinakinggan ay tila hinihikayat tayong namnamin ang ganda ng ating sariling wika. Ang mga awitin ni Geiko gaya ng “Sol at Luna: Isang Uyayi” at “Nilay” na sa tuwing iyong pakikinggan ay mananabik ang iyong kaibuturan na ipabatid ang iyong pag-ibig gamit ang ating sariling wika.
Dagdag pa, laganap sa social media katulad ng Facebook ang iba’t-ibang pahina na naglalayong ipakilala at muling gisingin ang tanyag na Wikang Filipino. Mayroon ding mga grupo na nagsusulat ng mga artikulo gamit ang sariling wika upang kilusan at imulat ang mga kabataan sa kahalagahan ng ating wika. Napagtagumpayan naman nila ito noong muling sumikat ang isa sa matandang paraan ng pagsusulat ng ating letra na tinatawag na “baybayin”. Sa katunayan, maraming grupo nga ang nagsusulong na baguhin ang pangalan ng mga lokal na establishimento mula sa Ingles patungo sa baybayin.
Nabubuhay tayo sa panahon kung saan ang pagbabago ay mas normal pa kaysa sa pagtulog. Kung mananatili kang nakatigil at nakahiga ay tiyak na maiiwan ka sa usad ng paglalakbay. Ang teknolohiyang ating natatamasa sa kasalukuyan ay ang lubos na pinagpaguran ng nakaraan kung kaya’t hindi dapat natin isipin na ang pagbabago ay palaging mali. Yayamang ang pagbabago ay nakadikit sa pag-unlad ngunit hindi ibig sabihin na kalilimutan na natin ang ating pinagmulan. Ang makapabagong teknolohiya ay hindi kalaban kundi isang armas na maaari nating gamitin sa pagpapaunlad ng ating sarili at pagkakakilanlan. Huwag nating hayaan na lamunin tayo ng makabagong teknolohiya sa paarang kinalilimutan na natin ang mga bakas ng ating pagkamamamayan. Tandaan, hatid ng makabagong teknolohiya ay ang mga bagong plataporma na maaari nating gamitin sa pagpapayabong ng ating kultura, kasaysayan, at wika. Gamitin nang tama at nang may wastong pag-iingat upang maiwasan ang hindi magandang pagtingin sa teknolohiyang nais lamang na bigyan tayo ng komportable at madaling pamamalagi sa araw-araw.
Sa huli, gaano man natin ituring na masama ang modernong teknolohiya ay mananatili pa rin ang katotohanan na ito ay nagsisilbing ningas sa ating kamalayan na gumawa ng mga bagay at katha na magtataguyod ng ating karapatan, pagkakakilanlan, at kasarinlan sa nagbabago at tumitinding panahon.
Comments
Post a Comment