Pula; dugo, apoy, galit
Kulay na tumitindig sa krimen at pait
Sa isang saksak sa leeg ni Adan,
Natapos ang paghihirap ng kawan
Nakita ko ang dahan-dahang pagbaon ng kutsilyo sa pulso,
Ragasa ang bulwak nang buo at malansang samyo
Nalagot ang tali sa paghinga
Naputol na ang pag-asa
Gusto kong pumikit dahil
Ayoko sa dugo.
Mainit, ako ay napaso
Sa mundo na napaliligiran ng pula
Dagat- dagatang apoy, asupreng kalangitan
Nakapapaso ang bumabagsak na kumukulong ulan
Masakit at mahapdi
Nanunuot ang paso sa dibdib
Lumalatay ang pait
Unti-unting tinutupok ang paningin
Nasunog na ang aking lihim,
Di manlang naparinig
Kailan ba ako makararamdam ng ginhawa?
Kahit lamig nawa, dahil
Ayoko sa apoy.
Yugtong di pabor sa aking panig,
Alitan, kaguluhan-
Taliwas at humahadlang sa kapayapaan
Ramdam ko ang ningas sa aking loob
Paninibugho, lalong lumalago
Unti-unting umaangat ang dama
Hanggang sa di ko na makita ang ligaya
Sinusubukan kong pigilan
Ang pwersang nag aalis sa aking kamalayan
Inuubos ang aking kalayaan
Gusto ko namang kumalma dahil,
Ayoko sa galit.
Ikaw ang kulay na tumitindig sa giyera
Ikaw ang alab ng galit sa aking sistema
Ikaw ang pula sa trapiko,
Nagpapahinto sa kalabog ng aking puso
Ikaw ang pula sa Pebrero
Ikaw ang galit,
Ikaw din ang pagmamahal.
Ikaw ang pula sa aking dugo
Dahil ikaw ay ang buhay
Ikaw ang pulang rosas
Dahil ikaw ang samyo sa kaginhawahan
Ikaw ang init,
Ang alab sa marubdob kong pag-ibig
Ikaw ang kulay na mainit-
Na una kong nakikita sa repleksyon ng prisma
Ikaw ang tingkad
Sa mundong walang kulay
Ikaw ang kasamaan na handa akong makipaglaban
Ikaw ang primarya
Sa milyong kulay na aking nakikita
Ayoko sa kulay pula
Pero gusto kita.
Comments
Post a Comment